top of page

Hindi ko inasahang dito ako dadalhin ng Journalism

Hindi ko naman talaga inisip noon na mapapasok ako sa mundo ng journalism. Sa totoo lang, isa lang siya sa mga bagay na “baka puwede kong subukan” habang naghahanap ako ng ibang pagkakaabalahan sa school. Akala ko dati, ang journalism ay para lang sa mga sobrang galing magsulat, yung tipong kayang gumawa ng malalalim na salita at seryosong article na parang pang-dyaryo talaga. Kaya noong una, wala talaga sa isip kong sumali rito.



Icelle as cameraman noong March 28, sa Moving up at Graduation ceremony ng Dampol 2nd National High school
Icelle as cameraman noong March 28, sa Moving up at Graduation ceremony ng Dampol 2nd National High school

Pero minsan talaga, may mga bagay na kusa kang hihilain papunta sa lugar na hindi mo inaasahang matututuhan mo.


Nagsimula ang lahat nang maging copyreader ako. Noong una, ayaw ko talagang sumali sa mga contest dahil ako yung tipo ng estudyante na ayaw na ayaw na  ma-excuse sa klase. Gusto ko lang mag-focus sa mga subjects na pinag-aaralan namin. Pero habang tumatagal, unti-unti kong nakilala ang mundo sa likod ng pagsusulat, pagkuha ng litrato, pag-e-edit, at pakikipag-usap sa iba’t ibang tao. Hindi lang pala basta “pagsusulat” ang journalism. Mas malawak pa pala dun.


Hanggang sa dumating ang pagkakataon na napasama ako sa Salin Lente. Noong una akong sumali sa training tuwing Sabado, hindi ko alam kung ano talaga ang aasahan ko. Ang nasa isip ko lang noon, baka puro lectures, puro notes, at baka nakaka-drain dahil weekend na nga, may training pa. Inisip ko ring baka sobrang seryoso ng environment at mahirapan akong makisabay. Siyempre, may kaba rin dahil hindi ko alam kung sapat ba ang skills ko para makasama roon.




Pero mali pala ako. Sa bawat Sabadong training, hindi lang ako natuto—parang unti-unti rin akong naging komportable sa sarili ko. May mga activities na akala ko simple lang, pero doon mo ma-realize na may natututuhan ka pala. Tinuruan kami ng photography, videography, mag-colour grade, at marami pang iba. Minsan din may araw na may seminar kami tungkol sa specific na category na yun. Gaya ng feature writing at news writing. May mga pagkakataon din talaga na napapaisip ako nang malalim dahil hindi lang pala creativity ang kailangan dito—kailangan mo ring matutong makinig, magmasid, at umintindi sa paligid mo.


Isa sa mga hindi ko talaga ini-expect ay kung gaano kasaya at ka-light ang environment. Akala ko noon, puro pressure at competition. Pero habang tumatagal, parang naging safe space siya kung saan puwedeng magkamali habang natututo. Hindi mawawala yung moments na sabay-sabay kayong namamangha sa mga bagay na bago sa mata niyo. Kaya minsan talaga napapagalitan kami sa kakulitan namin.


News writing Seminar kasama si Sir James Tinsay, April 18, 2026.
News writing Seminar kasama si Sir James Tinsay, April 18, 2026.

At siyempre, hindi mawawala ang mga activities na talagang naging memorable para sa akin. Isa na roon ang paggawa namin ng podcast. Noong una, parang nakakakabang isipin na kailangang magsalita at humarap sa camera. Nakaka-conscious lalo na kapag naririnig mo ang sarili mong boses. Malakas lang naman kasi ang loob kong magsalita kapag nagre-report sa school. Pero habang ginagawa namin iyon, masaya rin pala. Doon ko nakita kung paano nabubuo yung simpleng usapan sa isang content na puwedeng mapakinggan ng iba.


Hindi lang pala basta pagsusulat ang Journalism at Media—may boses din pala itong ginagamit para maipahayag ang mga kuwento. Pero naalala ko ang sabi sa amin ni Sir na magkaiba ang campus journalism at media. Ang media raw kasi ay mas malawak kumpara sa journalism na pang-campus lang.


Tapos dumating din ang recognition, graduation and moving up sa school namin. Parang ang bilis lang ng lahat. Iyong mga weekdays na inaantok kang gumising para pumasok sa school, biglang naging memories na lang. Habang tinitingnan ko lahat ng nangyari, doon ko na-realize na malayo na rin pala ang narating ko mula sa estudyanteng curious lang sa journalism.


Icelle and Franzine sa ToyConPh Prelude na ginawa sa Okada Manila noong April 12
Icelle and Franzine sa ToyConPh Prelude na ginawa sa Okada Manila noong April 12

Pero hindi pa pala doon nagtatapos. Lately, naging bahagi rin ako ng ToyCon Prelude. Isa iyon sa mga experience na talagang kakaiba. Hindi araw-araw makakapunta ka sa event na puno ng collectibles, cosplayers, artists, at iba’t ibang tao na may iisang passion sa pop culture. Bilang parehong bahagi ng journalism at media, mas naging exciting iyon dahil hindi lang kami basta nanonood—parang dala rin namin ang responsibilidad na ikuwento ang experience at i-capture ang atmosphere ng event.


Nakakapagod minsan, oo. Pero habang ginagawa namin iyon, mas lalo kong naiintindihan kung bakit mahalaga ang journalism at ang media. Hindi lang ito tungkol sa balita o articles. Tungkol din ito sa mga kuwento ng tao, sa experiences, at sa mga sandaling gusto mong maalala kahit matagal nang lumipas.


Sa huli, masasabi kong hindi ko pinagsisisihang napadpad ako sa mundong 'to. Dahil sa Salin Lente, hindi lang ako natutong magsulat o kumuha ng pictures at video. Natuto rin akong maging observant, maging confident, at mas pahalagahan ang mga kuwentong madalas hindi napapansin.


At minsan talaga, may mga bagay na hindi mo pinlanong aralin—pero sila iyong bigla na lang nagiging parte ng buhay mo.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page