top of page

Isang Papel na Halos Itapon Ko


Nakatulala lang ako sa mesa habang nakabukas ang notebook. Nasa kaliwa ang worksheet sa Science, sa kanan ang assignment sa Math, at sa tabi ng bag ko, may performance task pang hindi nasisimulan. Kung titingnan, normal lang naman. Estudyante lang na maraming ginagawa. Pero noong gabing iyon, may kakaiba. Wala akong gana kahit alam kong wala na akong oras para magpahinga.


Ilang minuto akong walang ginawa. Hindi dahil wala akong alam, kundi dahil hindi ko alam kung saan magsisimula. Habang tumatagal, mas dumarami ang iniisip ko kaysa sa natatapos. Doon ko unang naramdaman na hindi pala puro schoolwork ang nakakapagod. Minsan, ang mismong pagdedesisyon kung ano ang uunahin ay mas nakakaubos ng lakas.


Kung may nagsabi siguro sa akin noon na isang papel lang ang babago sa routine ko, siguro  matatawa lang ako. Paano nga ba naman makakatulong ang isang pirasong papel sa tambak na gawain? Mukhang imposibleng solusyon sa isang komplikadong problema.


Pero iyon mismo ang ginawa ko. Hindi planner. Hindi notebook na mamahalin. Isang papel lang na halos itapon ko pa. Doon ko isinulat ang oras ng pag-aaral, oras ng pahinga, oras ng pagkain, at kahit ang oras na wala akong balak gawin kundi huminga lang.


Kinabukasan, wala namang himalang nangyari. Hindi nabawasan ang assignments. Hindi rin kinansela ang quiz. Pero may isang bagay na nawala—ang pakiramdam na hinahabol ako ng oras. Sa unang pagkakataon, ako na ang humahabol sa plano, hindi na ako hinahabol ng panic.


Doon ko na-realize na kaya pala ako napapagod ay hindi lang dahil marami akong ginagawa. Napapagod ako dahil araw-araw akong gumigising nang walang malinaw na direksiyon. Kapag magulo ang isip, kahit simpleng gawain, parang bundok ang bigat.


Unti-unti kong inayos ang schedule ko. May mga araw na nasusunod, may mga araw na hindi. Nakakatawa nga dahil mas marami pa yatang naging revisions ang schedule ko kaysa sa mga schoolwork ko. Pero sa bawat pagbabago, mas nakikilala ko kung paano ako mas epektibong matututo.

Hanggang sa dumating sa puntong hindi ko na kayang simulan ang linggo nang walang plano. Hindi dahil required, kundi dahil naranasan ko na ang pakiramdam ng magulong araw at ng maagang araw na may direksiyon. Magkaibang-magkaiba ang dalawa.


Ngayon, kapag may nagtatanong sa akin kung ano ang pinakamalaking nakatulong sa akin sa pag-aaral, hindi ang mas mahabang oras ng review o mas makapal na notebook ang pumapasok sa isip ko. Ang unang naaalala ko ay ang isang papel na hindi ko pinansin dati. Minsan, ang mga bagay na pinakasimple ang siyang may kakayahang baguhin ang buong araw—at kung minsan, pati ang buong pagtingin natin sa pag-aaral: ang isang pirasong papel na halos itapon ko pa.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page