top of page

Pangarap na Binubuo sa Gitna ng Dilim


Sa bawat paggising sa umaga, may matang nakatingala sa kisame, katawang pilit na bumabangon, at isipang tila nais nang sumuko. Ngunit sa kabila ng dilim na bumabalot sa isipan, may munting liwanag pa ring gustong panghawakan—ang pangarap.


Sa bawat sulok ng bahay ay may mensaheng nais iparating sa ating buhay. Sa isang sulok, sumisimbolo ito sa takot na sumubok sa mga bagay na ating kinatatakutan. Sa ikalawang sulok naman ay ang panghuhusga sa sarili—mga tanong kung sapat ba ang ating kakayahan at kung kaya ba nating magtagumpay. Sa ikatlong sulok ay ang mga pagsubok na kailangang pagdaanan bago maabot ang minimithing tagumpay. At sa huling sulok, naroon ang isang makulay na pangarap na tahimik na naghihintay ng tamang panahon upang mamukadkad.


Ngunit may isang taong paulit-ulit na tinatanong ang sarili:


“Kung hindi ko susubukan, makakamit ko kaya ang tagumpay sa buhay?”


Sa kabila ng takot, panghuhusga, at kaguluhan, nananatili ang pusong may nais patunayan at isipang patuloy na nangangarap.


Hindi madaling mabuhay sa mundong puno ng pagdududa. May mga araw na tila mas mabigat ang problema kaysa sa pag-asang dala ng bukas. May mga gabing ang katahimikan ay mas maingay pa kaysa sa sigaw ng damdamin. Mga gabing puno ng luha, pagod, at mga tanong na walang kasiguraduhang sagot. Ngunit sa bawat sakit na dinadala ng panahon, may aral na unti-unting humuhubog sa pagkatao.


Dumarating din ang pagkakataong nawawalan tayo ng tiwala sa sarili. Pakiramdam natin ay napag-iiwanan na tayo ng mundo habang ang iba ay patuloy na umaabante. Ngunit hindi pare-pareho ang oras ng tagumpay para sa bawat tao. May mga pangarap na agad nakakamit, at mayroon ding nangangailangan ng mahabang panahon, pagtitiis, at walang sawang paniniwala sa sarili.


Sapagkat ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa taas ng narating, kundi sa dami ng beses na pinili nating bumangon matapos madapa. Ang bawat pagkatalo ay hindi wakas ng laban, kundi bahagi ng proseso tungo sa mas matatag na bersyon ng ating sarili.


At balang araw, darating din ang panahon na ang lahat ng pagod, luha, at sakit ay magkakaroon ng dahilan. Ang dating pangarap lamang ay magiging realidad. Ang mga gabing puno ng pangamba ay mapapalitan ng katahimikan ng tagumpay. Ang mga luhang minsang itinago ay magiging patunay ng katatagan.


Nauunawaan natin na ang dilim ay hindi ibinigay upang tayo’y tuluyang mawala, kundi upang matutunan nating hanapin ang sariling liwanag. Sapagkat ang taong natutong lumaban sa gitna ng unos ay siyang may pusong hindi madaling mabuwag ng panahon.


Kaya’t huwag matakot mangarap, kahit ilang beses ka pang nabigo. Huwag hayaang lamunin ng pangamba ang apoy na matagal nang naninirahan sa iyong puso. Dahil ang bawat hakbang na ginagawa mo—gaano man ito kabagal—ay hakbang pa rin palapit sa buhay na minsan mo lamang inilingon sa mga panaginip.


At kapag dumating ang araw na nais mo nang sumuko, alalahanin mong kahit ang pinakamadilim na gabi ay hindi kayang pigilan ang pagsikat ng araw.


Sapagkat sa gitna ng dilim, ang pangarap ang nagsisilbing liwanag na patuloy na gumagabay sa ating paglalakbay.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page