top of page

Pistang Pugad bilang Salamin ng Matibay na Bayanihan

Maalon. Ma-uga. Mahangin.  


Ganyan ko mailalarawan ang paglalakbay at ang mismong lugar na sasalubong sa akin sa Pugad, Hagonoy, Bulacan. Hindi pa man ako nakakatawid, ramdam ko na agad ang tensyon; ang tubig na tila walang tigil sa paggalaw, ang hangin na humahampas sa balat, at ang ideya na anumang oras, maaaring maging delikado ang bawat alon na humahampas sa aming bangka.


Ngunit sa kabila nito, may isang bagay na mas nangingibabaw sa takot—ang kaalaman na sa dulo ng biyahe, may isang komunidad na hindi hinahayaang lamunin ng baha ang kanilang pagdiriwang. Sa lugar na ito, ang high tide ay hindi hudyat ng paghinto—ito ang mistulang backdrop ng kanilang pista.



Pag-apak ko pa lamang sa bangka, agad akong sinalubong ng kaba. Malakas ang pag-uga nito—parang anumang maling galaw ay maaaring magdulot ng pagkawala ng aming balanse. Kaya’t napaupo ako agad. Pilit kong pinapatatag ang sarili ko habang hawak ko ang gilid ng bangka. Sa paligid ko, ang malawak na katubigan na tila walang hanggan, at ang hangin ay humahampas na parang paalala ng panganib. Sa bawat paggalaw ng bangka, sumasabay ang tibok ng puso ko—mabilis, magulo, at puno ng takot. Nang umandar ang makina, bahagyang nabawasan ang pag-uga, ngunit hindi pa rin nawala ang kaba. Buong biyahe, nanatili akong tahimik, nakapako ang tingin sa tubig, umaasang makakarating nang ligtas.



Pagtapak ko sa isla, agad kong nasilayan ang realidad ng Pugad—lubog sa baha dahil sa high tide. Ngunit hindi lamang ito karaniwang baha; ang tubig ay maitim, maputik, at tila may halong mga bagay na hindi mo inaasahang makita, kabilang ang mga basurang palutang-lutang. Sa kabila nito, kapansin-pansin ang mga batang masayang lumalangoy sa kalsada, na para bang ordinaryong araw ng tag-init ito. Sa gitna ng ganitong kondisyon, unti-unting ipinakilala sa amin ang kapistahan—isang pagdiriwang na hindi kailanman pinigil ng mataas na tubig, bagkus ay lalo pang pinatingkad ng kanilang katatagan.


Sa unang araw, naranasan namin ang paseo—isang tradisyunal na pag-iikot sa buong baryo habang tumutugtog ang banda. Habang naglalakad kami sa mga daang nalulubog sa baha at putik, dama ko ang kakaibang sigla ng mga tao. Kapansin-pansin din ang mga malilikhaing disenyo ng bawat purok—nagpapagandahan ang bawat isa, hindi lamang para magpakitang-gilas kundi upang mas lalong bigyan ng kulay at buhay ang kapistahan. May mga nakangiti, kumakaway, at sumasabay sa tugtog kahit basa ang paligid. Sa bawat hakbang, tila pinapakita nila na ang saya ay hindi nasusukat sa kalinisan ng lugar o sa perpektong kondisyon—ito ay nagmumula sa sama-samang diwa ng komunidad. Kahit napapalibutan ng maruming tubig, hindi naging hadlang ang sitwasyon upang ipadama ang init ng kanilang pagtanggap at kasiyahan.


Pagsapit ng mismong araw ng kapistahan ni San Ignacio, mas lalo pang nabuhay ang buong Pugad. Mula umaga, abala na ang lahat—may prusisyon na sinasabayan ng mga mosiko at mga mananayaw na mapamantada o bata, na buong pusong nagpapakita ng kanilang galaw sa kalsadang binabaha. Ang kanilang mga paa ay sumasayaw sa tubig, tila walang pakialam sa hirap ng kalagayan. May paligsahan, may papremyo, ngunit higit pa roon, makikita ang dedikasyon ng bawat isa sa pagpapanatili ng kanilang tradisyon. Hindi lamang ito simpleng selebrasyon—isa itong patunay ng kanilang pagmamahal sa kultura at pananampalataya.


Bilang bahagi ng majorette, nasaksihan ko rin ang kakaibang saya at sorpresa sa aming

pagtatanghal. Sa gitna ng aming performance, may mga taong lumalapit upang magsabit ng pera sa aming kasuotan—isang tradisyong nagpapakita ng suporta at paghanga. Isa-isa kaming nalalagyan, at kahit hindi kami ang nagwagi sa kompetisyon, hindi rin kami umuwing bigo. Ang bawat halakhak, sigaw ng suporta, at simpleng pagkilala mula sa mga tao ay sapat na upang maramdaman naming bahagi kami ng kanilang selebrasyon.


Pagsapit ng gabi, lalong nagningning ang pista. Sa kabila ng baha, nagpatuloy ang sayawan, musika, at kasiyahan. May mga paputok na nagbibigay ng liwanag sa madilim na kalangitan, mga sigawan at tawanan na umaalingawngaw sa buong lugar, at mga pagtatanghal na puno ng buhay—mula sa sayaw hanggang sa pagpapatawa at magic show. Maging ang hermano at hermana ay nakikisaya, patunay na ang pagdiriwang ay hindi lamang obligasyon kundi isang tunay na selebrasyon ng komunidad. Hindi man perpekto ang kanilang kapaligiran, buo at buhay ang diwa ng pista.


Sa kabuuan, ang aking karanasan sa Pugad, Hagonoy ay higit pa sa isang simpleng pagbisita—isa itong pagmulat. Sa kabila ng paulit-ulit na pagbaha at mga hamon ng kalikasan, hindi kailanman nawala ang sigla ng kanilang pagdiriwang. Ang baha ay hindi naging hadlang, kundi naging bahagi ng kanilang kwento—isang patunay ng kanilang katatagan, pagkakaisa, at pagmamahal sa tradisyon. Sa bawat alon, sa bawat hakbang sa putik, at sa bawat tugtog ng musika, malinaw na ang tunay na diwa ng pista ay hindi nasusukat sa kondisyon ng lugar, kundi sa puso ng mga taong patuloy na nagdiriwang.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page