top of page

Sa Lilim Ng Pagbabalik

Pasukan nanaman! Makikita ko na naman ang mga kaklase ko, mga maiingay kong kaibigan, si Ma'am na madalas magpa-surprise quiz, si ateng masungit sa canteen na palaging kendi na lang ang sinusukli kahit may barya naman, at lalong-lalo na ang tall, dark, and handsome kong crush o si TDH na campus crush! Pero naalala ko rin na mararanasan ko na naman ang pagpuyat sa pagkakagawa ng lectures at projects na kailangang ipasa kinabukasan, ang pagre-review ng mga pinag-aralan namin pag-uwi sa bahay dahil may long quiz si Ma'am sa darating na biyernes. Mamimiss kong magpuyat sa kakanood ng Kathniel movies, kakalaro ng online games, at pagmumukbang ng pancit canton tuwing alas tres ng madaling araw.


Para sa karamihan, ang pagpasok ulit sa eskwela ay hindi lang naman tungkol sa pagkakita ulit

sa mga kaibigan o pagkatuto ng bago. Kasama na rin noon yung balik na naman ng mga expectations. Galing sa magulang, sa guro, pati na rin sa sarili mo. Parang taon-taon, lalo lang tumataas ang pamantayan. Dati okay lang na pumasa, pero ngayon? Kailangang may karangalan, dapat nasa taas ka lagi, dapat magaling ka sa lahat ng bagay. Dahil doon, nabubuo yung presyur na nakakakaba, nakaka-stress, at minsan nakakawala na rin ng gana.


Halos kalahating taon na naman akong titira sa eskuwelahan. Kalahating taon na naman akong magsusunog ng kilay para lang makuha ko ang titulong "With Honors". Kung ano-ano na naman ang sasalihan kong contest sa school para lang makahakot ng maraming medalya. Darating na naman ang panahon na magiging batak ako at magiging pitong tao sa isang buong araw, isang estudyante, isang manlalaro, isang gitarista, isang lider, isang manunulat, at isang anak at kapatid.


Oo nakakapagod, pero masaya. Iba't ibang tao nanaman ang makakasalamuha ko at makakasama sa isang organisasyon. Marami na namang pagbabago at mga kailangang baguhin. Kailangan ko na namang magpagod para makakuha ng sertipiko at medalya. Kailangan ko na namang makisama.


Pero bakit ko nga ba kailangang magpagod at maglaan ng sobra-sobrang oras para lang sa isang printed na bond paper na nakalagay ang pangalan ko at isang malaking bilog na nagniningning at kumakalansing?


Ang mga sertipiko at medalya ay hindi lamang basta-basta na papel at medalya na sinasabit, bunga ito ng mga tahimik kong sakripisyo at pagod. "Grades and medals don't define who you are," pero dito ko nakikita ang sarili ko. Na "Sino nga ba ako kung wala akong parangal na matatanggap?"


Pero teka lang, kahit ang bigat-bigat minsan, tandaan natin 'to: ang tunay na tagumpay, hindi lang naman nakikita sa grado o titulo. Yung mga natutunan mo, yung mga naging galing mo, at yung mga aral na dala mo—yun yung mahalaga. Hindi ibig sabihin na kapag nagkamali ka o hindi naging perpekto, wala ka nang halaga. Parte naman talaga yun ng paglaki at pagkatuto eh.

Ang pagbalik ng pasukan ay panahon ng bagong simula, pag-asa, at hindi dapat panahon ng takot.


Pagdating ng araw na maglalakad na naman tayo papasok sa eskwela, dalhin natin ang sipag at determinasyon. Pero isama rin natin ang pagmamahal at pag-unawa sa sarili. Mahaba pa naman ang biyahe ng pag-aaral, at hindi naman karera 'to kung saan kailangan manalo. Ang mahalaga, masaya ka.


Be the best version of yourself.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page