top of page

Walang Humpay na Pagluha ng mga Ulap


Bawat patak ay may bakas na maiiwan na kailanman ay hindi lilisan.

Sa pagsulyap ko sa kalangitan, nasilayan ko ang malaabong kulay nito. Hinablot ko ang kumot, sinusubukang makaramdam ng yapos sa walang-buhay na init nito. Maya-maya ay tumunog ang cellphone ko, indikasyon ng isang mensaheng madalas inaabangan ng lahat: “Suspendido ang klase. Mag-ingat ang lahat."  Nagpakawala ako ng hangin na wari bang sinusubukan kong lamangan ang nakayakap na sa akin.

Batid kong maraming kapwa kong kamag-aral ang may ngiti sa labi, samantalang marami rin ang tila bumubulong at nagsusumamo. Sana ay huling araw na ito na makatatanggap kami ng ganoong abiso. May ilang oras kaming karagdagan upang magpahinga, ngunit hindi mawawala ang naiwang tanda na sa mga kalsada ay may mga paang patuloy na naglalakbay kahit walang patutunguhan. May mga tahanang nabawasan ang apoy na nakapalibot, kasabay ng paglamig ng isa sa mga miyembro nila. Na ang biyayang maituturing ng iba ay pasakit na nagiging dahilan ng pagtangis ng ilan.

Sa lalim ng aking pag-iisip, hindi ko na namalayang ang mga kamay ko ay may hinahanap, maaaring balita, talata, o salita na siyang lilikha ng kapanatagan sa aking dibdib sa gitna ng bagsik ng panahon na ito. Ngunit mukhang hindi pumanig ang tadhana dahil natagpuan ko ang ulat ng ABS-CBN News na inilathala noong Agosto 8 ng kasalukuyang taon. Na anim na buhay ang binawi ng pinagsamang epekto ng Bagyong Luis, Bagyong Maymay, at Habagat, batay sa tala ng NDRRMC. Sa pagitan ng mga titik at tala, tila may katahimikang higit na umaalingawngaw kaysa sa hagupit ng ulan. Sapagkat sa bawat pangalang hindi na masasambit, may latay na mananatili sa alaala, kahit tuluyan nang humupa ang pananalasa ng kalamidad.

Kaya kung ang iba ay pinipigilan ang kanilang cravings at ang mga paglalakbay na naaantala, ang ilan naman ay ang pagluhang bumabadya dulot ng perwisyong dala ng kalikasan. Hindi rin natapos sa pagkawala ng mga buhay ang hapding iiwan nito.

Sa buong Luzon, 74,755 pamilya ang naapektuhan, habang 2,519 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center. Bawat pagkakataong kakailanganin ang paglikas, madalas ay hindi na nila malasap ang tamis ng pag-asa. May mga pamilyang napipilitang maghintay hanggang maging ligtas ang kanilang pagbabalik habang naglalaro ang mga tanong na: Ano pa ang matitira pag-uwi? Paano kami magsisimula?

Sapagkat mismong mga tahanan at kabuhayan ang hinila sa libingan. 120 bahay ang napinsala, 112 dito ang bahagyang nasira at 8 ang tuluyang

Nawasak—mga silungang hindi na sapat upang maging tiyak. Umabot naman sa ₱105.5 milyon ang pinsala sa imprastraktura at ₱3.53 milyon sa agrikultura. Sa mga numerong ito, nagkukubli ang mga gusaling gumuho at mga hanapbuhay na humihingi na naman ng puhunan upang muling makatindig.

Marahil, hindi lahat ng pilat ay kailangang agad daganan ng salita. May mga sandaling sapat nang kilalanin ang bigat ng nagdaan, ang pangungulilang hindi maipahayag, at ang mga bagay na hindi na maibabalik sa dati. Ngunit sa kabila ng lahat, may munting pag-asang nananatili—sapagkat kahit gaano kakapal ang ulap, may liwanag pa ring marunong maghintay sa dulo ng dilim.

Kapag ang bahang minsang lumamon sa mga lansangan ay tuluyan nang umurong, muling sisilip ang mga daang matagal nang natabunan ng tubig, kasabay ng mga yapak na unti-unting magbabalik ng sigla sa mga lugar na matagal nang nanahimik. Ngunit may mga bahay pa rin na kailangang ayusin, mga sugat na kailangang pagalingin, mga kabuhayang kailangang simulan muli, at mga puwang na hindi na mapupunan. Sapagkat may mga sakuna na lumilipas sa kalangitan, ang mga lamat na iniwan ng kanilang pagdaan ay nananatili sa lupa at sa mga kuwentong pinasadahan nito.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page