top of page

Sa hele ni Nanay; sa yakap ni Ate.

Banayad, tahimik, at maingay sa pagmamahal ang tahanan; dahil sa puso ni Nanay, ito ay nagsisimula. Si

Nanay ang nagbibigay ng liwanag, siya ang bumbilya ng bawat pamilya—ang naghubog sa magkakapatid at ang rason ng paglaban sa pamilya. Binigyang kulay niya ang bahay; tila kahit isang salamangkero, hindi kayang tumbasan ang sakripisyong ibinigay ni Nanay.


Mapa ng aming magkakapatid sa oras ng pagkaligaw, at ang anino’ng sumasalo sa amin sa pangamba, sa takot, at sa mga along tila kami’y kinukuha papuntang karagatan, at hindi na muling ibabalik sa dalampasigan: si Ate.


Sa pagmamahal nila, hindi ako naliligaw, hindi ako nag-aalinlangan, dahil sa kanila ko nakikita ang kasiguraduhan—iyan ang ipinakikita ni Nanay. Isang pusong matatag, pusong matibay, pusong banayad, isipang minsan ay gumugulo pero pinipiling lumaban, pusong handang umalalay sa gitna ng kaguluhan; iyan si Ate, at sa kaniya ko ito natutuhan.


Sa mga sugat na kanilang tinatago, natutunan ko kung paano maging malakas para sa kanila—sa unos ng mundo, sa kanila dumadaloy ang mga pangarap ko; pangarap kong maibigay sa kanila ang buhay na pangarap din nila. Dahil ang pangarap nila ay pangarap ko rin, ang pagmamahal nila ay walang hanggan kahit pa sa sansinukob; sila ang katahimikan sa magulo at maingay na mundo.


Kung bibigyan man ako ng isang daang kahilingan, siyamnapu’t siyam kong hihilinging matupad ang mga pangarap natin, at ang isang natitirang hiling; ay sana’y kayo muli ang aking magiging nanay, at ate.  Sa inyo nagsisimula ang aming lakas, at sa inyo rin kami patuloy na bumabalik.


Sandigan ng tahanan, at kami’y niligtas sa karagatan ng kadiliman—sa kanila nagsimula ang ating buhay, at sa kanila ko rin natutunan kung paano mahalin ang buhay. Si Ate ang nagpakita sa akin kung paano lumaban kahit masakit, kahit mabigat, at kahit maraming batikos ang ibinibigay ng mundo. Si Nanay na patuloy na nagsasakripisyo at nakalimutan na ang sarili; si Nanay na nagpakita sa akin kung paano  maging malakas, kung paano lumaban kahit maraming kalaban, at nagpatunay na may kakampi ako sa gitna ng madilim na mundo.


Kayo ang katahimikan na naging kapitan namin sa gitna ng pinakamalalakas na bagyo ng buhay. Sa kanela ninyong mga mata ako tumitingin sa tuwing ako’y naliligaw, at hiling ko sa bawat bulalakaw na kayo muli ang makasama ko sa bawat buhay na ipagkakaloob sa akin.

Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page