top of page

Perya ng Buhay


Tataya ka pa ba kung ang pag-asa ay unti-unti nang nauubos?


Sa bawat umaga, madalas ay hindi amoy ng bagong timplang kape ang sumasalubong, kundi ang sinag ng araw at tila huni ng mga manok na nagpapaalala na muli na namang sasabak ang marami sa walang katiyakang sugal ng kapalaran. Sa bawat paa na sinakop na ng mga kalyo at sa bawat unipormeng nakaligtaang plantsahin, unti-unting isinusulat ang aklat ng karamihan.


Kada letra't numero ay taguan ng mga pamilyang naghihintay ng pagkain sa hapag, mga magulang na pilit na ikinukubli ang pag-aalala, at mga kabataang unti-unting natututong ipagpalit ang pangarap sa pangangailangan.


Sa patuloy na pag-iingog ng mundo, may mga katotohanang mas mabigat basahin at damhin, lalo na kung ang bawat bilang ay may katumbas na pasaning unti-unting pumapatay sa ningas ng pag-asa. Kalahatan ng artikulong isinulat ni Cristina Eloisa Baclig, na inilathala noong Marso 18, 2026 sa INQUIRER .net. Muling inilantad dito ang mabigat na mukha ng paggawa sa bansa. Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 5.8% ang unemployment rate noong Enero 2026, mas mataas kaysa 4.3% noong Enero 2025 at 5.0% noong Oktubre ng kaparehong taon.


Kaalinsabay nito, umakyat sa 2.96 milyong Pilipino na may edad 15 pataas ang walang trabaho, mula sa 2.17 milyon noong nakaraang taon. Hindi lamang ito pagtaas ng porsiyento o bahagdan—ito ay pagdami ng mga lunggating isinasantabi at mga katawang pagod na nakikipagsapalaran sa gitna ng lumalalim na kawalang-katiyakan. Subalit maging ang mga nakahanap na ng hanapbuhay ay hindi rin nakaliligtas sa bigat ng panahong kailangan nilang pasanin. Ayon pa sa ulat, tumaas sa 42 oras bawat linggo ang karaniwang oras ng trabaho ng mga empleyado mula sa 40.4 oras. Sa unang tingin, wari'y repleksiyon ito ng kasipagan, ngunit sa mas malalim na pag-unawa, isa itong tahimik na pagsasakripisyo.


Humahaba ang oras ng paggawa, hindi dahil kawili-wiling magbanat ng buto, kundi dahil kailangang habulin ang presyo ng bawat kilo ng bigas, bawat bayarin sa kuryente, at bawat pangangailangan ng sambahayang umaasa sa sahod na naghihingalo na. At sa bawat minutong tinataya, dahan-dahan mang natatalo ang pag-una sa sarili, paglilibang, at ang hangaring patuloy na umunlad sa bansang lugi sa oportunidad. Hindi na ito simpleng usapin ng kakulangan ng trabaho. Isa na itong salamin ng isang sistemang unti-unting sinusubok ang tibay ng karaniwang manggagawang Pilipino.


Kung patuloy nating susuriin, bumaba na rin ang labor force participation rate sa 62.3%, o humigit-kumulang 50.89 milyong Pilipino ang nagtatrabaho o naghahanap ng trabaho. Ang pagbabang ito ay hindi sagisag ng katamaran, kundi ng takot na pati ang pamato ay ibuhos gayong ang tsansa ay nauupos. Marami ang hindi tumigil sa paghahanap ng kabuhayan, hindi dahil nawalan sila ng pangarap, kundi dahil paulit-ulit silang sinalubong ng mga pintuang hindi kailanman nagbukas. Sa bawat kabiguang kanilang kinakaharap, unti-unting nababawasan hindi lamang ang kanilang lakas, kundi maging ang paniniwalang may naghihintay pang pagkakataon sa dulo ng kanilang paglalakbay.


Sa kadahilanang ito, nagbabala ang Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (Sentro) at ang Labor Education and Research Network (LEARN) na patuloy na lumalala ang kalagayan ng labor market. Iginiit nilang hindi sapat ang paghihintay sa kusang pag-unlad ng ekonomiya; kinakailangan ang agarang pagbabago sa estratehiya ng pamahalaan sa paglikha ng trabaho. Sapagkat ang tunay na pag-unlad ay hindi nasusukat sa taas ng mga gusali, sa laki ng pamumuhunan, o kinang ng mga ulat pang-ekonomiya, kundi sa dami ng mamamayang may disenteng kabuhayan at kinabukasang hindi nababalot ng pangamba.


Habang patuloy na umiikot ang perya ng buhay, hindi dapat maging kapalaran ng mga Pilipino ang paulit-ulit na pagtaya sa isang larong tila iilan lamang ang may pagkakataong magwagi. Ang bawat manggagawa ay hindi naghahangad ng himala, kundi ng isang makatarungang pagkakataong mabuhay nang may dignidad, katiyakan, at pag-asang hindi unti-unting kumukupas. Sapagkat ang isang bansang tunay na maunlad ay hindi yaong maraming nakatayong gusali, kundi yaong walang mamamayang napipilitang isugal ang kanilang kinabukasan upang mabuhay lamang sa kasalukuyan.



Comments


Top Stories

Stay updated with the latest news from Pulilan. Subscribe to our newsletter for instant updates.

Contact us

  • Instagram
  • Facebook
  • Twitter

© 2023 by Pulilan News Hub. All rights reserved.

bottom of page